Seguridad sa pagkain legacy ni PNoy
MANILA, Philippines - Bukod sa pagsawata sa korupsyon, isa sa gustong iwang legacy ni Pangulong Noynoy Aquino sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) ay ang seguridad sa pagkain sa buong bansa, bago matapos ang kanyang termino.
Sinabi ni DA Secretary Proceso Alcala, natitiyak na nila ang pagkakaroon ng rice sufficiency sa 2013 kung saan hindi na tayo mag-iimport ng bigas sa ibang bansa habang naka-pokus pa sila ngayon sa ibang produktong pang-agrikultura tulad ng isda, karne at gulay.
Ayon sa kalihim, nakatakda silang magpatupad ng fishing ban sa ilang lugar sa bansa para maiwasan ang kakapusan ng isda.
Pinag-aaralan na rin ngayon ni Alcala kung posibleng mag-ani ang magsasaka ng hanggang apat na beses sa loob ng isang taon, sa halip na isa o dalawang beses lang.
Ayon naman kay National Irrigation Administration (NIA) Administrator Antonio Nangel, naglalagay na sila ng mga “small-water impounding reservoir” sa mga tago at malalayong lugar na hindi naaabot ng irrigation system sa bansa.
Naglalatag na rin ang NIA ng mga “communal irrigation system” o mga balon para sa patubig sa mga magsasaka sa mga bulubunduking lugar.
- Latest
- Trending
















