MANILA, Philippines - Hindi pabor ang anak ng yumaong Action king Fernando Poe, Jr. na si MTRCB chair Mary Grace Poe Llamanzares na buwagin na lamang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) dahil sa bumabalot na kontrobersiya dito.
Sinasabing ang NCAA ay gumagastos lamang ng pera ng bayan pero hindi naman napapakinabangan ng mamamayan. Ito ay dulot ng umano’y mga maling proseso sa pagdedeklara ng mga national artist ng bansa.
Una nang ikinalungkot ng marami ang hindi pagsasa-alang alang ng NCCA na maging national artist si comedy king Dolphy at action king Fernando Poe, Jr. gayung malaki naman umano ang naiambag na tulong ng mga ito sa pagpapatingkad ng sining sa bansa.
Sinasabing masyado umanong elitista ang NCCA sa pagpili ng national artist ng bansa.
Binigyang diin ni Llamanzares na hindi kailangang buwagin ang NCCA bagkus ay repasuhin na lamang ang implementing rules at tignan kung tunay na natutugunan nito ang pagsusulong ng kultura para sa lahat.
Napapanahon na din anya na alisan ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na makialam sa pagpili ng susunod na national artist gaya ng ginawa noong 2006 na panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na sa kagustuhan umanong magpa-pogi sa publiko ay nais itanghal si FPJ na pambansang alagad ng Sining ng bansa na noon ay tadtad ng eskandalo ang Arroyo government.
Inalis din anya ni Ginang Arroyo sa talaan bilang national artist si Dolphy noong 2009 matapos isingit ang apat na mga kaalyado nito gamit ang presidential prerogative na magtalaga ng national artist.
Mas mainam anya na isang simpleng mamamayan at eksperto sa sining lamang ang dapat magpasya kung sino ang karapat-dapat na maging pambansang alagad ng sining ng Pilipinas.