MANILA, Philippines - “Happy trip Dolphy at salamat.”
Ito na lamang ang tanging pabaon ng sambayanang Filipino sa paglisan ni Comedy King Rodolfo “Dolphy” Quizon, Sr. na ihahatid na sa kanyang huling hantungan ngayong hapon.
Lalo pang lumobo ang bilang ng mga tagahanga na pumila para masulyapan sa huling pagkakataon ang labi ng kanilang idolo sa The Heritage Park sa Taguig City.
Alas-6:00 ng umaga nang buksan ng pamilya Quizon para sa public viewing ang labi ng comedy king.
Nauna nang inihayag ng pamilya Quizon na hanggang alas-3:00 lamang ang public viewing kahapon subalit kanila itong pinalawig pa hanggang alas-6:00 ng gabi.
Ayon sa pamunuan ng The Heritage Park, alas-5:00 pa lamang ng umaga ay umabot na sa C-5 Road ang pila ng fans hanggang sa main gate ng memorial park.
Mula naman sa main gate aabutin pa ng halos isang kilometro ang lalakarin patungo sa chapel kung saan nakaburol ang labi ni Pidol.
Karamihan sa mga nakapilang tagahanga ni Dolphy ay nakasuot ng itim at puting t-shirt na nagpapakita ng kanilang pagmamahal sa yumaong komedyante.
Marami rin sa mga fans ang nagpalipas ng magdamag sa Heritage Park para maagang makapila sa gagawing huling public viewing.
Kabilang naman sa pumila ang pamilya Cruz ng Pasig City na nakasuot pa ng special t-shirt ang anim na miyembro nito na tinatakan ng bawat letra ng pangalan ni Dolphy na anila’y pagpapakita nila ng pagmamahal at respeto sa comedy king.
Samantala, isasakay ang labi ni Dolphy sa isang puting karwahe na hihilahin ng apat na kabayo patungo sa kanyang libingan.
Gaya ng napagkasunduan ng pamilya, sinabi ni Eric Quizon, tumatayong tagapagsalita ng pamilya, na magiging pribado sa pamilya at malalapit na kaibigan ang libing ngayon habang pinayagan naman ang live media coverage.
Alas-10:00 ngayong umaga ay magkakaroon muna ng necrological service at bandang alas-2:00 ng hapon ihahatid sa kanyang huling hantungan ang Hari ng Komedya.