Depektibong e-passport nat'l threat?

Manila, Philippines - Posible umanong national threat ang mga depektibong electronic passports (e-passport) kaya dapat umanong imbestigahan ng Kamara.

Sinabi ni Agham party­list Rep. Angelo Palmones, ang mga depektibong pasaporte ay maaaring magamit ng international criminal syndicates at tero­ristang grupo sa pagpasok at paglabas ng bansa.

Bukod dito hindi rin umano malayong nagagamit na ang mga ito para palitan ng sindikato ang kanilang pagkakakilanlan at nasyunalidad at nakakalabas-masok na rin ang mga ito sa Pilipinas.

Ayon naman sa ibang mambabatas, dapat na imbestigahan na ang ginagawang e-passport ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) AT Oberthur Philippines na inirereklamo na depektibo at madaling masira matapos itong ilunsad ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Agosto 2009 sa ilalim ng P99 million contract ng naturang kumpanya.

Ayon naman kay Ala­gad party list Rep. Rodante Marcoleta, hindi dapat maging dahilan na isolated case lang ang ulat at dapat na bigyan ito na agarang imbestigasyon.

Giit naman ni Bayan Muna Rep. Neri Colme­nares, hindi pa nga nareresolba ang isyu ng pagkuha sa kumpanyang nagprint ng Arroyo bills sa presyong mahal at isyu sa matagal na paghihintay sa pagkuha ng pasaporte ay panibagong problema na naman ang kinakaharap ng bansa.

Dahil dito kayat nagbanta ang mambabatas at si Valenzuela Rep. Maggi Gunigundo na bubusisiin niya ang nasabing isyu sa pagsusumite ng DFA ng kanilang proposed budget sa kongreso nga­yong Agosto pagkatapos ng SONA ng Pangulo sa Hulyo 23. 

Show comments