Solons nabahala sa HB 5727
MANILA, Philippines - Kabaligtaran umano sa ipinangako ni Pangulong Aquino noong bago pa lamang ito nakakaupo sa Palasyo ang pagpapasa ng kontrobersyal na panukalang batas na nagdaragdag ng buwis sa mga produktong tabako at alak.
Ayon sa Makabayan bloc sa Kamara, sa halip umano na magpaganda ng buhay ang House bill 5727 dahil sa dagdag koleksyon nito ay masama naman ang epekto nito sa magsasaka ng tabako na lalo lamang magpapabigat sa pasanin ng mga Pilipino.
“Walang bagong buwis; iyan ang pangakong binitiwan ni Pangulong Aquino noong panahon ng kampanya at maging sa kanyang talumpati dito mismo sa bulwagang ito. Ngunit narito tayo ngayon, kapapasa lamang ng Kamarang ito ng panukalang batas na magpapataw ng bagong buwis sa mamamayan,” ayon kay kay ACT party list Rep. Antonio Tino.
Nanawagan naman si Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino na hindi dapat linlangin ng administrasyon ang publiko sa pagsasabing ang HB 5727 ay para sa health care program ng gobyerno dahil “will add revenues for the corrupt bureaucracy.”
Maging si Bayan Muna Party-List Rep. Teddy Casiño ay nagsabing ang posibilidad ng paghinto ng paninigarilyo dulot ng pagtaas ng buwis ay bahagi lamang ng tunay na agenda ng gobyerno at ito ay ang makakolekta ng P31 bilyon pondo.
- Latest
- Trending