Hulyo 13, Nat'l Day of Remembrance kay Dolphy
MANILA, Philippines - Idineklara kahapon ni Pangulong Aquino ang Hulyo 13, 2012 bilang National Day of Remembrance bilang pag-alala sa yumaong King of Comedy na si Rodolfo “Dolphy” Quizon, Sr.
Sa ilalim ng proclamation no. 433, naka-half mast ang bandila sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno tulad ng pagkamatay ni dating Pangulong Cory Aquino.
Una rito ay may panukala na rin sa Kamara na ideklara ang Hulyo 10 ng bawat taon bilang “Dolphy Day” o “Filipino Fun day.”
Samantala, ikokonsidera rin ng Pangulo ang pagdedeklara ng National Day of Mourning sa pagpanaw ni Dolphy.
Ayon kay Deputy President spokesperson Abigail Valte, nasa tanggapan na ng Pangulo ang mga kinakailangang dokumento para sa nasabing deklarasyon.
Karaniwang idinedeklara ang national day of mourning sa araw ng pagkamatay o libing ng kinikilalang personalidad.
Hinihintay na lamang umano nila mula sa pamilya Quizon kung kailan ang pinal na petsa na ililibing ang comedy king.
Pero sa mga naunang impormasyon, sa darating na Linggo (July 15) ihahatid sa kanyang huling hantungan si Pidol pero wala pang oras.
Kahapon ay dumalaw ang Pangulo sa burol ni Dolphy sa Heritage Park, Taguig City.
Nasa 10 minuto lang tumagal ang Pangulo na dumating pasado alas-5 kasama si DOTC Sec. Mar Roxas. Dumiretso agad ang dalawa sa chapel kung saan nakaburol si Dolphy at agad ding umaalis at hindi na nagbigay ng pahayag sa media.
- Latest
- Trending