MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal ng Pasay City Police ang isang pulis na nakatalaga sa NCRPO na unang dinakip sa tapat ng dalawang hotel dahil sa hinalang sangkot sa serye ng ‘pag-hulidap’ sa mga turista sa lungsod.
Kasong “illegal possession of firearms” ang isinampa sa Pasay City Prosecutor’s Office laban kay PO3 Edwardo Cayabyab dahil sa pagdadala ng kalibre .45 baril na walang dokumento.
Hawak naman ngayon at biniberepika ng Pasay Police kung kanino nakarehistro ang silver Toyota Revo na may warak na plaka na XLX-636 na gamit nina Cayabyab at isang SPO1 Roy Magnayon nang masakote ang mga ito sa tapat ng Copacabana Hotel sa may EDSA Extension, Pasay kamakalawa ng umaga.
Matatandaan na nagpatawag ng responde ang pamunuan ng naturang hotel sa Police Community Precinct 6 (PCP 6) nang maispatan ang naturang Revo na umano’y nakilala na siyang gamit ng mga armadong lalaki sa pagdukot sa ilang dayuhang guests ng Copacabana at sa Heritage Hotel.
Pumalag sina Magnayon at Cayabyab kaya rumesponde ang mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay Police kaya napuwersa ang mga ito na sumuko. Napakawalan rin naman si Magnayon makaraang hindi lumutang ang mga kinatawan ng naturang mga hotel para pormal na kasuhan ang mga ito habang naiditine si Cayabyab.
Bukod sa kahina-hinalang plaka ng Revo, kinukuwestiyon rin ng Pasay police kung bakit ibang baril ang dala ni Cayabyab gayung naka-uniporme pa ito.
Matatandaan na marami nang insidente ng hulidap ng mga turista ang naitatala sa Pasay City kung saan inilalarawan ang mga salarin na naka-uniporme ng PNP ang modus na kunwari’y papatungan ng sari-saring kaso saka puwersahang kukunin ang perang dala at maging ang laman ng bag saka ibababa sa malayong lugar tulad ng sa Cavite.