Umawat sa away, kinatay
MANILA, Philippines - Patay ang isang 48- anyos na kelot makaraang umawat sa pag-aaway ng dating mag-live-in partner sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Samantala, ayaw namang magbigay ng anumang detalye ang pamunuan ng Police Station 7 ng Quezon City Police hingil sa insidente dahil nagsasagawa pa umano sila ng pagsisiyasat ukol dito.
Batay sa inisyal na ulat, nakilala ang nasawi na si Johnny Rapalo, ng Liberty compound, Cubao sa lungsod.
Habang ang suspect ay nakilalang si Giovani Anlap, 44, residente din sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa may Liberty Avenue, Cubao, ganap na alas -11:30 ng umaga.
Bago nito, sinasabing nagpunta ang suspect sa boarding house ng dating live in partner na si Edna Gatchalian para makipag-ayos matapos ang paghihiwalay.
Pero tumanggi na ang babae na makipag-ayos dahilan para mauwi ito sa pananakit ng suspect sa una.
Nang makita ng biktima ang ginawa ng suspect, agad niyang tinulungan ang babae dahilan para silang dalawa ng suspect ang magpambuno.
Mula dito ay nagbunot umano ng patalim ang suspect at inundayan ng mga saksak sa katawan ang biktima at namatay. Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspect na agad din namang naaresto.
- Latest
- Trending