PAGCOR nagpaliwanag sa 'bottled water'

Manila, Philippines -  Niliwanag ng pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na isang “isolated’ case lamang at nakagawian na ng kumpan­ya noon pa ang usapin sa mga botelyang tubig na gamit sa mga casino branches nito.

Sinabi ng PAGCOR, sinundan lamang ng kasalukuyang pamunuan ang nakaugalian ng sistema sa pagbili ng bottled water kayat nagkaroon ng P8-milyong halaga ng gastos dito sa bottled mineral water noong nakaraang taon ng walang kaukulang public bidding.

 “This had been the ongoing practice since the last decade,”ayon sa Pagcor.

Ang pahayag ay ginawa ng Pagcor nang ilabas ng Commission on Audit ang 2011 audit report nito na ang kumpanya ay gumastos ng kabuuang P8.2 milyong halaga ng bottled mineral water at dagdag na P1.79 milyong halaga ng five-galloon water para sa tatlong casino branches nito sa Pavillion, Heritage at Parañaque nang walang kaukulang public bidding.

Una rito, niliwanag ng pamunuan ng naturang mga casino branches na noon pa man ang pagbili ng bottled water kasama ng iba pang mga consu­mable supplies ay dati ng decentralized sa mga branches para higit na maging praktikal at mabilis dahil sa ibat ibang lokasyon nito na naipatutupad noon pang nagdaang administrasyon.

Iniulat agad ni Pagcor Chairman Cristino Naguiat, na dapat ang pagbili ng mga bottled water ay isang Pagcor-wide basis na dumaan sa public bidding.

“In view thereof, COA did not issue a Notice of Disallowance or Notice of Suspension because the audit finding and observations pertained only to operational matters, which do not involve pecuniary loss,” dagdag nito.

Nilinaw din ng Palasyo na hindi na ito paiimbestigahan ng Malacañang matapos si Chairman Naguiat mismo ang nag-utos na dapat itigil ang nasabing nakagawian.

Show comments