MANILA, Philippines - Naging epektibo ang ipinatutupad na liquor ban sa Caloocan City na nagbabawal sa mga residente na uminom ng anumang nakalalasing na inumin sa kalsada kung saan ay 12 katao lamang ang nahuling lumabag sa ipinaiiral na ordinansa sa naturang lungsod.
Sa nakarating na ulat sa tanggapan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri mula kay Chief of Police Sr. Supt. Jude Wilson Santos, simula noong January hanggang June ay 12 katao lamang ang nakasuhan ng paglabag sa ordinance no 0937 series of 2005 na nagbabawal sa pag-inom ng anumang nakalalasing na inumin sa kalsada sa buong lungsod.
Ang mga nahuling residente na umiinom sa kalsada ay kinasuhan ng pulisya sa piskalya ng Caloocan City na bukod sa pagmumulta ay makukulong pa ang mga ito ng dalawa hanggang isang taon depende sa magiging desisyon ng korte.
Layon ng ordinansa na malimitahan ang mga nangyayaring gulo sa mga kalsada dahil sa pagkalango sa alak ng mga residente. Papayagan lamang ang mga residente na uminom sa kalye sa mga espesyal na okasyon tulad ng birthday, baptismal, wedding, wedding anniversary, pasko, bagong taon ngunit kinakailangan pa ring kumuha ng permiso sa barangay na nakakasakop sa kanilang lugar isang linggo bago ang pagdiriwang.