593 katao todas sa vehicular accident
MANILA, Philippines - Umabot sa 593 katao ang nasawi habang nasa 2,300 ang nasugatan sa serye ng mga sakuna sa lansangan sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito.
Sinabi ni PNP-HPG Spokesman P/Supt. Edwin Butacan, sa loob lang ng Hunyo ay nasa 730 ang sakuna sa lansangan na ikinasawi ng 97 katao.
Nangunguna ang Metro Manila sa mga may pinakamaraming naitalang insidente ng mga banggaan at iba pang uri ng sakuna sa kalye.
Ayon kay Butacan, aabot sa 5,021 ang naiulat na mga sakuna sa loob lamang ng anim na buwan ng taong ito kung saan pinakamataas na insidente sa rekord na 1,005 ay nitong Pebrero.
Nangunguna sa mga dahilan ng sakuna ay ‘human error’, depektibong makina ng sasakyan at kondisyon ng mga highway lalo na kapag umuulan.
Karaniwan rin sanhi ng mga sakuna ay kawalan ng disiplina ng mga driver na abala sa pagte-text, masyadong mabilis ang takbo at nakainom ng alak.
Sinabi ni Butacan nasa 826 aksidente sa lansangan ang nairekord nitong Enero na ikinasawi ng 101 katao; sa 1,005 insidente nitong Pebrero ay nasa 96 katao ang namatay; 813 nitong Marso na kumitil ng buhay ng 103 katao; 795 insidente nitong Abril na ikinasawi ng 104 katao habang nasa 92 naman ang binawian ng buhay nitong Mayo.
- Latest
- Trending