MANILA, Philippines - Matapos ang ilang araw na rescue operation ng Kenyan authorities, nasagip na kahapon ang isang Pinoy aid worker at tatlo pa nitong kasamahan na dinukot ng mga armadong lalaki na umatake sa Dadaab refugee camp sa Kenya malapit sa border ng Somalia.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, kinumpirma kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ni Ambassador Domingo Lucenario ng Embahada ng Pilipinas sa Nairobi na nasa ligtas nang kalagayan ang Pinoy na si Glenn Costes, nagtatrabaho bilang aid worker ng Norwegian Refugee Council (NRC) at tatlo pang kasamahan na Canadian, Norweigian at Pakistani national matapos na kidnapin noong Biyernes habang lulan ng isang sasakyan sa nasabing camp.
Patay naman ang kanilang driver matapos na pagbabarilin ng mga umatakeng abductors.
Sinabi ni Hernandez, dakong ala-1:40 ng hapon kahapon nang ipabatid ng Kenyan authorities kay Lucenario na nailigtas na nila si Costes at tatlo pang dayuhang dinukot matapos ang pagtugis sa mga abductors sa Kenya-Somalia border.
Patungo na ang na-rescue na Pinoy sa Nairobi at pagdating doon ay makikipagkita kay Ambassador Lucenario na siyang magbibigay ng kaukulang tulong sa kanya.