Pagpatay sa aso krimen na
MANILA, Philippines - Isa ng krimen na may katapat na parusang anim na taong pagkakakulong ang kakaharapin ng mga mahuhuling pumapatay ng aso at iba pang uri ng hayop na hindi karaniwang kinakain ng tao.
Ito’y matapos amyendahan ng House bill 6049 na inihain ni Guimaras Rep. JC Rahman ang Republic Act 8585 o ang “Animal Welfare Act” sa pamamagitan ng paglikha ng Animal Welfare Division at Animal Welfare Advisory Committee sa ilalim ng Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture (DA).
Layunin nito na protektahan ang mga aso at parusahan ang nagmamaltrato, nananakit, pumapatay sa mga ito at gumagamit sa mga aso para sa anumang eksperimento.
Maaari naman patayin ang mga hayop bilang pagkain o anumang pangangailangan ng mga tao gaya ng baboy, manok, tupa, kambing, kuneho, kalabaw, baka, kabayo, usa at ibang poultry animals.
Pinapayagan din ang pagpatay sa hayop kung ito ay bahagi ng religious rituals, tribal o ethnic custom ng indigenous communities at kung ang hayop ay may sakit na posibleng makahawa sa tao.
Sa ilalim ng panukala ang mga lalabag ay nahaharap sa anim na buwan hanggang anim na taon na pagkakakulong o multa na hindi kukulangin sa P5,000 at hindi rin hihigit sa P50,000.
- Latest
- Trending