Pag-award ng 489 prangkisa ng bus pinabubusisi sa Kamara
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan sa Kamara ang maanomalya umanong pagbibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng expired franchise ng Pantranco North Express Inc., sa grupo ng inter-related bus companies na pagmamay-ari ng iisang pamilya.
Inihain ni AGHAM Rep. Angelo Palmones ang House Resolution 2517 upang makapag-imbestiga ang House committee on transportation dahil hindi umano ‘matuwid na daan’ ang ginawa ng LTFRB.
Ibinigay ng LTFRB sa limang bus companies ang prangkisa ng Pantranco para sa operasyon ng 489 bus.
Punto ni Palmones, noong pang 2003 “legally dead” ang prangkisa kaya kaduda-duda ang pagbuhay dito pabor sa limang bus companies na malinaw umanong kabaliktaran ng desisyon ng Department of Transportation and Communication “that the lines had expired and can neither be sold or transferred to other parties.”
Nauna rito ay inaprubahan ni Atty. Jaime Jacob, chairman ng LTFRB, ang pagbuhay ng 489 bus franchise.
Ang limang bus companies na naghati-hati sa prangkisa ay pagmamay-ari ng pamilya Hernandez, na siyang pinakamalaking bus operator sa Luzon.
Naghain ng reklamo ang ibang bus companies sa DOTC upang mapigilan ang pagbuhay ng prangkisa.
Kasunod ng tinanggap na reklamo ay iniutos ni DOTC Secretary Mar Roxas na imbestigahan ang nasabing sumbong.
- Latest
- Trending