MANILA, Philippines - Dalawang oras na natikman ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr. ang pansamantalang kalayaan nang makauwi ng kanyang tahanan sa Mandaluyong City matapos na pagbigyan ng Pasay City Regional Trial Court.
Sinalubong si Abalos ng mahigit 2,000 mga taga-suporta nang dumating sa kanilang bahay sa 19 Kanlaon St., Barangay Highway Hills pasado alas-11 ng tanghali, kasama ang may 25 escort na pulis mula sa Southern Police District (SPD) habang may 100 pulis naman mula sa Mandaluyong police sa pangunguna ni Sr. Supt. Armando Bulalin ang umasikaso sa seguridad sa paligid.
Mistulang naging malaking piging naman ang pangyayari nang pakainin ng pamilya Abalos ang mga dumagsang tagasuporta kung saan kasabay ito ng pagdiriwang ng kaarawan ng isa sa apo ni Abalos.
Ito ang unang pagbabalik sa lungsod ng Mandaluyong ni Abalos na may anim na buwan nang nakapiit sa Southern Police District (SPD) Headquarters dahil sa kasong electoral sabotage noong 2007 Senatorial elections.
Sa dami ng mga nagnanais na masilayang muli ang dating Comelec chairman, nawalan na ng pribadong oras si Abalos na makapiling ang pamilya hanggang sunduin na siya ng kanyang mga escort dakong ala-1:20 ng hapon upang ibalik na muli sa kanyang detention cell sa SPD.
Sa kabila na dalawang oras lamang ang ibinigay ng korte, nagpasalamat na rin si Abalos sa pagpapahintulot ni Judge Jesus Mupas na mabisita ang pamilya at mainspeksyon ang tahanan.
Patuloy namang dinidinig ang bail petition nito sa sala ni Judge Mupas sa pag-asang makapagpiyansa na habang pinagbigyan na ng Pasay RTC branch 117 ang pagpiyansa nito ukol sa parehong kasong kinakaharap.