MANILA, Philippines - Muling isinailalim sa dialysis si Comedy King Rodolfo “Dolphy” Quizon sa Makati Medical Center makaraang bahagyang gumanda ang “vital signs” nito.
Kinumpirma ni Eric Quizon, tagapagsalita ng pamilya, na dakong alas-8:30 ng umaga isinailalim sa naturang medical procedure ang ama na kinakaya naman umano nito.
Matatandaang itinigil nitong nakaraang Sabado ang naka-iskedyul na pangalawang dialysis kay Dolphy matapos na muling bumagsak ang vital signs nito kasabay ng pagtama ng panibagong kaso ng pneumonia.
Nananatili pa rin umano ang pneumonia sa magkabilang baga nito na ginagamot ng mga doktor sa pamamagitan ng pagbibigay ng antibiotics. Ito umano ang labis na nagpapahirap sa paghinga sa kanyang ama at nagpapahina sa katawan nito.
Ayon pa kay Eric, naniniwala siyang malaki ang naidulot ng pagdating ng dalawa sa kaniyang mga kapatid na sina Mariquit at Manny Boy sa bahagyang pagbuti ng lagay ng kanilang ama.
Patuloy din ang pasasalamat ng buong pamilya Quizon sa patuloy na pagdarasal ng mga tao para sa agarang pagbuti ng kalusugan ng Hari ng Komedya.