Arab newsman aarestuhin, ipapadeport
MANILA, Philippines - Ipaaaresto at ipadedeport ni Sulu Governor Abdusakur Tan si Jordanian TV reporter Baker Abdulla Atyani sa oras na bumaba na ito sa kapatagan mula sa pag-iinterbyu sa kuta ng mga bandidong Abu Sayyaf sa kagubatan ng Sulu.
Sinabi ni Tan na sinira ni Atyani ang peace and order sa Sulu kaya ipaaaresto at ipadedeport niya ito.
Pinag-aaralan na rin ng mga legal counsel ng pulisya ang kasong maaring isampa laban kay Atyani bunga ng nilikha nitong gulo sa bansa.
Sa kasalukuyan ay nananatiling ‘missing’ ang status ni Atyani at dalawang Pinoy crew na kasama nito matapos na mamonitor ang tatlo na nagsasagawa ng video footage sa kuta ng mga bandido.
Si Atyani na Bureau chief sa Southeast Asia ng Al Arabiya news tv at dalawa nitong Pinoy crew na sina Rolando Letrero at Ramelito Vela ay nagtungo sa Sulu noong Hunyo 11 upang magsagawa ng ‘documentary report’ at kapanayamin ang lider ng Abu Sayyaf na sina Yasser Igasan. Na-interview na rin ni Atyani ang lider ng Al Qaeda na si Osama bin Laden noong nabubuhay pa ito.
Nagtungo ang grupo sa kuta ng mga bandido noong Hunyo 12 na hindi man lamang nakikipagkoordinasyon sa mga awtoridad ng Sulu.
Naninindigan naman ang Malacañang na hindi dinukot si Atyani.
Batay sa kanilang mga tinatanggap na impormasyon, boluntaryong nagpunta si Atyani sa kuta ng mga terorista at tinakasan ang mga otoridad.
Una ng kinumpirma ng tagapagsalita ng Foreign Ministry ng Jordan na binihag ng mga bandido si Atyani sa Sulu.
- Latest
- Trending