'Utak' ng mafia sa Customs tukoy na
MANILA, Philippines - Kilala na ng Bureau of Customs (BOC) ang “utak” at mga kasabwat ng sindikatong nabuwag kamakailan sa loob ng nasabing kagawaran.
Kasunod ito ng inutos na imbestigasyon ni Comm. Ruffy Biazon kay Gen. George Alino (Ret.), BOC Enforcement Security Service chief, kung saan isang alyas “Rene” ang sinasabing nasa likod ng pangongotong ng pitong naarestong “hao shiao” kamakailan na bumibiktima sa mga lehitimong broker/importer dito.
Nadiskubre ng isang ESS insider na kasabwat umano ni Rene ang isang BOC official na dating militar at isa pang alyas “Teddy” at isang alyas “Jojo”.
Estilo din umano ni “Rene” na magpakilalang kamag-anak ni Comm. Biazon at malapit siya sa asawa ng opisyal para siya ay katakutan sa bureau.
Pero nilinaw ni Biazon na hindi niyang kilala si Rene at lalong hindi nila ito kamag-anak.
Isang presidential adviser din umano ang kinakaladkad ni Rene sa kanyang raket.
Madalas din ito sa mga okasyon kung saan imbitado si Biazon para akalain ng mga taga-BOC na “very close” siya sa komisyuner.
Nangangalap pa ng matitibay na ebidensiya si Alino para makasuhan na si Rene gayundin ang kanyang mga kasabwat sa BOC.
- Latest
- Trending