MANILA, Philippines - Pinababawi ng isang grupo ng mga guro kay Pangulong Aquino ang US$1 bilyon na planong ipautang nito sa International Monetary Fund (IMF) dahil mas nararapat umano na gamitin ang pera sa pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon lalo na sa mga kakapusan sa silid-aralan at guro.
Ito’y makaraang ihayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Amando Tetangco, Jr. na magpapautang ang bansa ng $1 bilyon sa IMF upang suportahan ang “global efforts to stabilize the world economy”. Nasa maayos na kundisyon umano ang ekonomiya ng bansa kaya kayang magpautang ng naturang halaga.
Ngunit iginiit ni France Castro, secretary-general ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), na tila nabubulag ang mga opisyal ng bansa sa kahirapang dinaranas mismo sa Pilipinas kabilang na sa edukasyon. Ang 1 bilyong dolyares umano ay kaya nang punan ang mga pagkukulang sa universal kindergarten program.
Inisa-isa ng grupo ang mga gastusin kabilang ang pasahod sa kinakailangang 34,500 guro na aabot sa P7.7 milyon; pagtatayo ng 34,500 silid-aralan na aabot sa halagang P23.7 milyon; 865,000 upuan na may halagang P.8 milyon; at 34,500 sanitation facilities na may halagang P2.4 milyon. May kabuuan umano itong halagang P34.4 milyon lamang na hindi matugunan ng pamahalaan.
Iginiit pa ng ACT na mas malaki pa ang pangangailangan sa edukasyon lalo ngayong inumpisahan nang ipatupad ang K to 12 Program ng Department of Education.
Ipinaalala naman ni UP Professor at Social Watch Philippines President Leonor Briones sa gobyerno na P5 trilyon din ang kabuuang utang nito.
Binigyang diin ni Briones na sa mayayamang bansa lamang umano ay walang problema ang magpautang ng $1 bilyon pero ibang usapan na kung ang maglalabas nito ay isang middle income country na tulad ng Pilipinas na marami ang mahihirap.
Naniniwala naman si Briones na may problema na ang IMF kaya nangungutang na sa iba’t ibang mga bansa at maaaring kinakapos na umano ang pondo nito na pang-rescue sa mga bansang problemado sa ekonomiya.