MANILA, Philippines - Sa halip na tseke ang kunin sa bangko, magiging electronic na ang pagtanggap ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) sa kanilang salary loans, sickness at maternity benefits nationwide.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Emilio de Quiros, Jr. ang naturang hakbang ay upang higit na maging kumbeniente ang mga miyembro at matiyak na nasa tamang panahon na matatanggap ng mga miyembro ang kanilang benepisyo.
Anya, ang lahat ng benepisyong ito ay kukunin na lamang ng mga empleyado sa ATM Citibank card na ipagkakaloob sa kanila ng kanilang mga kumpanya para sa mga tauhan nito at dito ipapasok ng SSS ang pondong kanilang tatanggapin.
Sa ganitong paraan din anya, ang mga miyembro na nasa probinsiya ay hindi na mag-aaksaya pa ng panahon at oras para papalitan sa bangko ang kanilang tseke mula sa SSS.
Una rito, nagkasundo ang SSS at ang Citibank card na isyuhan ng ATM card ang mga SSS members nationwide para dito na maidaan ang anumang benepisyong matatanggap ng isang miyembro mula sa SSS. Ito ay walang bayad sa panig ng mga miyembro na bibigyan ng ATM card.
Ang Citibank prepaid card ay maaaring gamitin sa may 15,000 ATMs nationwide sa ilalim ng Bancnet, Megalink, Maestro, Cirrus, Mastercard, Visa and Plus.