MANILA, Philippines - Limang pulis ang sinampahan ng Philippine National Police (PNP) ng kasong kriminal at administratibo kaugnay ng nabistong P250 milyong ghost pension na nawawala kada taon.
Kinilala ni PNP Spokesman Sr. Supt. Generoso Cerbo Jr., ang mga kinasuhan na sina PSupt Maximo Layugan, PCInsp. Rosela Montealto, SPO4 Romeo Arela, SPO4 Marilyn B. Villaflor at PO2 Marlon Reyes. Ang kaso ay isinampa sa Office of the Ombudsman.
Sa memorandum na ipinalabas ng PNP ay iniutos naman ang pre-charge investigation upang madetermina ang prima facie sa kaso laban sa Non-Uniformed Personnel (NUP) na sina Zenaida Occiano at Jurilda Parasol.
Ayon kay Cerbo, gumamit ang grupo ng mga pekeng dokumento para makuha ang pensiyon sa pakikipagsabwatan sa mga tiwaling tauhan ng ahensya.
Sinabi naman ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, patuloy ang kanilang paglilinis sa masterlist ng 60,621 pensioners upang matanggal ang mga pekeng entries base sa ipinalabas na report ng Department of Budget and Management na aabot sa P250 M kada taon ang napupunta sa mga ghost pensioner.
Patuloy naman ang proseso upang lahat ng lehitimong pensioners ay sa ATM payroll na lamang sa mga sangay ng Land Bank of the Philippines (LBP) sa buong kapuluan kunin ang kanilang mga pera.