MANILA, Philippines - Bawal na ang balimbing o pagpapalipat-lipat ng partido ng pulitiko. Ito’y sa sandaling maging batas ang Senate Bill 3214 o Political Party Development Act na inaprubahan na ng Senate Committee on Constitutional Amendments at Finance.
Nakasaad sa panukala na kapag kumalas sa partido ang isang pulitiko matapos manalo sa isang eleksiyon, awtomatiko itong resignation o pagbibitiw sa puwestong napagwagian. Tatlong taon din itong pagbabawalan na tumanggap ng puwesto sa gobyerno at pababayaran din ang ginastos ng partido para sa kaniyang kandidatura.
Nakapaloob din sa panukala na bibigyan ng subsidiya o ambag mula sa gobyerno ang mga partidong pulitikal. Layon nitong matigil na ang paghingi ng mga campaign contributions mula sa mga illegal sources o tao na posibleng maningil sa sandaling mahalal sa puwesto ang sinusuportahang pulitiko.
Lilikhain ang State Subsidy Fund o pondo na ipamamahagi sa mga national political parties na dadaan sa mahigpit na accreditation process ng Comelec.
Ang government subsidy ay idadagdag na pondo mula sa puwedeng malilikom ng mga partido sa mga pribadong contributions na tatakdaan ng limitasyon na hanggang P100,000 kapag mula sa indibiduwal at hanggang P1M kung mula sa kompanya o korporasyon.
Ang 75 porsiyento ng subsidy ay maaring gamitin sa kampanya at 25 porsiyento ay para sa pagpapalakas ng partido.
Pirmado ng 17 senador ang committee report number 164 na nakalatag na para sa plenary debate.