Araw ng Kalayaan pangungunahan ni PNoy
MANILA, Philippines - Pangungunahan ngayon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang ng ika-114 na taong anibersaryo ng kalayaan ng bansa sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.
Si Pangulong Aquino ang mangunguna sa flag raising ceremony ngayong alas-8:00 ng umaga kasama ang local leaders sa pangunguna ni Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado.
Kabilang sa mga sasalubong kay Pangulong Aquino ay sina National Historical Commission chairperson Ma. Serena Diokno, Bulacan Rep. Marivic Sy-Alvarado, Malolos Mayor Christian Natividad, AFP chief Jesse Dellosa at PNP chief Nicanor Bartolome.
Mangunguna din ang Pangulo sa wreath-laying ceremony sa historical landmark ng Barasoain Church.
Sinabi naman ni Bulacan tourism officer Joseph Cristobal, ikinatuwa ng buong lalawigan ang pangunguna mismo ni Pangulong Aquino sa paggunita ng ika-114 anibersaryo ng kalayaan ng bansa kung saan ay ginanap pa ito sa makasaysayang lugar ng Barasoain Church kung saan binuo ang Malolos Constitution.
Kasabay nito ang flag raising ceremony din sa Rizal Monument na pangungunahan ni Vice-President Jejomar Binay at Emilio Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite na pangungunahan naman ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Si Justice Sec. Leila de Lima naman ang mangunguna ng flag raising ceremony sa bantayog ni Gat. Andres Bonifacio sa Monumento, Caloocan City.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang pangulo ng bansa ang mangunguna sa flag raising ceremony sa pagdiriwang ng Kalayaan sa makasaysayang lugar ng Barasoain Church.
Magbabalik naman kaagad si Pangulong Aquino sa Malacañang para sa tradisyunal na Vin ‘d Honnour para sa miyembro ng Diplomatic Corps sa pamumuno ng Papal Nuncio sa Pilipinas.
- Latest
- Trending