$2.5-B investment uwi ni PNoy
MANILA, Philippines - Nakapag-uwi si Pangulong Aquino ng $2.5 bilyong investment mula sa kanyang biyahe sa United Kingdom at Estados Unidos.
Ayon sa Pangulo sa kanyang arrival message kahapon, nasa $1.5 bilyong investment ang nakuha niya sa UK at $1 bilyong investment naman ang pledge mula sa US.
“Sa kabuuan po, ang halaga ng kalakal na papasok mula sa mga kumpanyang nakapulong natin, sa Britanya at sa Amerika, hindi bababa sa dalawa’t kalahating bilyong dolyar, o humigit-kumulang 100 billion pesos. Trabaho po ang katumbas ng mga numerong ito, trabahong magdadala ng pagkain sa mesa ng Pilipino,” giit ni PNoy.
Inanunsiyo din ng Pangulo na hindi na kailangang magbayad ng Pilipinas ng $23 milyong utang sa US.
“Benepisyaryo rin po tayo ng isang debt for nature swap, hindi na raw po natin kailangang bayaran ang 23 million dollars na utang basta’t mapupunta sa pagtatanim ng mga bagong puno ang perang ito,” sabi ng Pangulo.
Nakatakdang tumanggap din ang Pilipinas ng $30 milyon sa ilalim ng “Partnership for Growth” program para maresolba ang kahirapan ng bansa.
- Latest
- Trending