MANILA, Philippines - Nag-walkout ang buong pamilya Abalos sa pangunguna ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. makaraang hindi pagbigyan ng Pasay City Regional Trial Court branch 112 ang hiling na paglalagak ng piyansa kaugnay ng dalawang bilang ng kasong electoral sabotage sa 2007 senatorial elections.
Nag-ugat ang walkout makaraang tanggihan ni Judge Jesus Mupas ang motion to discharge nila upang matanggal bilang state witness si dating North Cotabato election supervisor Yogie Martirizar at maging regular witness na lamang. Makaraang tanggihan ng korte, lahat ng ibibigay na testimonya ni Martirizar ay magagamit laban kay Abalos ngunit hindi magagamit kay Martirizar na isa ring akusado sa kaso.
Sinabi ni Abalos na nagpaalam siya sa korte na lumabas dahil umano sa “grave injustice” at “garapalan” na ginagawa ng korte laban sa kanya sa pagpipilit na isalang sa witness stand si Martirizar kung saan ang isyu na dapat talakayin ay ang kanyang bail petition. Pilit na hinarang ng abogado ni Abalos na si Atty. Artemio Quitero ang pagsalang ni Martirizar ngunit pinagbigyan pa rin ni Judge Mupas.
Inihayag ni Martirizar ang ginawang tatlong pulong nilang mga provincial election officer ng North at South Cotabato at Sultan Kudarat Abril 17, 25 at 20, 2007. Personal na inutusan umano sila ni Abalos na panalunin lahat ng 12 senatorial candidate ng Team Unity upang hindi umano ito mapahiya sa isang “Pareng FG” na tinukoy ng testigo na si dating First Gentleman Mike Arroyo.
Iprinisinta rin ni Martirizar ang isang piraso ng papel na ibinigay umano sa kanya ng isang itinuro niyang “handler” na si Capt. Peter Reyes, ng Intelligence Service of the AFP, na bigyan ng espesyal na kunsiderasyon ang siyam na partylist at ilang senatorial candidate kabilang sina Edgardo Angara, Mike Defensor, Ralph Recto, Miguel Zubiri, Joker Arroyo, Ramon Magsaysay, Jr., Vicente Sotto at Prospero Pichay.