MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan nina Bayan Muna party list Reps. Neri Colmenares at Teddy Casiño ang umano’y talamak na panghihingi ng ilang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) kapalit ng pagbibigay ng akreditasyon para sa party list group.
Sa House resolution 2472, hiniling din nina Colmenares at Casiño na alisin na rin ang sinisingil na P10,000 docket fee para sa paghahain ng disqualification case laban sa mga pekeng party list groups.
Sa kanilang natatanggap na impormasyon ay umaabot ng milyon ang hinihingi ng ilang opisyal ng Comelec sa party list applicants kapalit ng accreditation.
Idinagdag pa ng mga mambabatas, na nauulit na naman umano ang ganitong raket sa Comelec na dati nang nabunyag noong nakaraang eleksyon at nagresulta pa sa pag- aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ilang personalidad.
Ayon kay Colmenares, kung ang isang party list group umano ay kayang bumayad ng milyones sa Comelec kapalit ng accreditation, malinaw lamang umano na hindi ito nabibilang sa mahirap at marginalized sector.