Manila, Philippines - Ito ang naging hamon ni CBCP-NASSA executive secretary Fr. Edu Gariguez kay Pangulong Aquino matapos itong tumanggi na lumagda sa isang bank waiver na nagpapahintulot na matingnan ang kanyang mga dollar account at iba pang account sa bangko.
Ayon kay Fr. Gariguez, bilang presidente at kinikilalang leader ng bansa ay dapat magsilbing halimbawa si Pangulong Aquino ng lahat ng mamamayan.
Inihayag ni Fr. Gariguez na ipinagsisigawan ng Pangulo ang kanyang tuwid na daan, transparency at accountability ngunit ayaw naman niyang pangunahan at tanggapin ang hamon na ilantad sa publiko ang kanyang mga dollar accounts, totoong kayamanan at ari-arian.
Nilinaw ni Fr.Gariguez na kapag hindi ginawa ni PNoy na maging ehemplo ng kabutihan, accountability at transparency ay maituturing na “ningas-cogon” lamang ang kanyang sinasabi na tuwid na daan.
Nauna rito, hinamon nina CBCP Permanent Council member Sorsogon Bishop Arturo Bastes, Antipolo Auxiliary Bishop Francis de Leon, Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani si PNoy na pangunahan ang krusada ng transparency at accountability sa pamamagitan ng pag-iimbestiga sa kanyang mga Gabinete at iba pang opisyal ng pamahalaan sa tunay na laman ng kanilang SALN gayundin ang mga dollar accounts.