8 solons pumirma ng waiver sa SALN
MANILA, Philippines - Lumagda na sa isang waiver ang lider ng oposisyon sa Kamara na si Quezon Rep. Danilo Suarez at ang mga militanteng kongresista upang maisapubliko ang lahat ng kanyang mga ari-arian.
Personal na nilagdaan ni Suarez ang waiver sa harap ng media para ipakitang transparent at ang lahat ng kaniyang ari- arian ay naideklara sa kaniyang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN).
Ayon kay Suarez, ang waiver ay isusumite sa tanggapan ni House Speaker Feliciano Belmonte samantalang inamin nito na wala siyang dollar account subalit mayroon siyang dalawang helicopters subalit anim silang may-ari kabilang na dito ang television host na si Willie Revillame na nagkakahalaga ng P3.5 milyon hanggang P4.7 milyon.
Bukod naman kay Suarez, pito pang miyembro ng Makabayan bloc o mga militanteng kongresista ang lumagda sa waiver.
Kabilang na sina Bayan Muna Reps. Teddy Casiño at Neri Colmenares, Gabriela Reps. Luz Ilagan at Emma de Jesus, Anakpawis Rep. Rafael Mariano, ACT teacher party list Rep. Antonio Tinio at Kabataan party list Rep. Raymond Palatino.
Tumanggi naman si lead prosecutor Rep. Niel Tupas na pumirma sa waiver.
- Latest
- Trending