MANILA, Philippines - Nag-victory party ang prosekusyon kasama si Pangulong Benigno Aquino III kamakalawa ng gabi sa loob mismo ng Palasyo matapos ma-convict si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, biglaan ang nasabing pagdating ng mga kongresista at mga private prosecutors kung saan personal na pinasalamatan ng Pangulo ang mga nasabing abogado, miyembro ng secretariat at staff dahil sa kanilang pagboluntaryo.
Magugunitang si Pangulong Aquino mismo ang nanguna para mapatalsik si Corona dahil sa paniwalang balakid ito sa kanyang reform agenda sa judicial system ng bansa.
“The members of the prosecution, including private prosecutors, members of the secretariat and staff were received by the President in an impromptu call last night. President Aquino met most of them for the first time and thanked them for volunteering to help,” wika ni Valte.
Ayon naman kay Quezon City Rep. Boyet Banal, wala namang masama kung personal nilang tinanggap ang pasasalamat ng Pangulo.
Inamin naman ni Isabela Rep. Giorgidi Aggabao na nagtungo siya sa Palasyo kasama ang may 50 kongresista at mga volunteers pero tanging pasasalamat lang daw ang tinanggap nila sa Pangulo.
Tumanggi naman ang mga kongresista na banggitin ang mga pangalan ng mga kongresistang kasama nila na nagtungo sa Malacañang.