MANILA, Philippines - Ilalabas na sa susunod na linggo ang resulta ng pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Acquatic Resources (BFAR) sa tubig sa Laguna Lake kaugnay ng nangyaring malawakang fish kill.
Ayon kay BFAR Director Asis Perez, layunin ng water sampling na madetermina kung ang tubig sa nasabing lawa ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda kamakailan.
Partikular na naapektuhan ng fishkill ang Barangay Masli at Sucol sa Calamba na bahagi pa ng Laguna Lake.
Hindi rin kumbinsido ang BFAR sa teoryang mga carnivorous na night fish ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Kaugnay nito, pinayuhan din ng BFAR ang mga mangingisda na ilibing na lamang ang mga mahuhuli nilang patay na isda upang hindi magdulot ng lason sa tubig sa lugar.