MANILA, Philippines - Upang mapalakas pa ang kapabilidad ng ‘air assets’, bibili ang Philippine Air Force (PAF) ng karagdagang 38 eroplano kabilang ang mga lead-in fighters, attack helicopters bago matapos ang taong 2012.
Ayon kay PAF Spokesman Lt. Col. Miguel Ernesto Okol Jr., ang pagbili ng mga bagong aircraft ay nakapaloob sa 38 kontrata na lalagdaan bago ang Hulyo 31.
Kabilang sa mga bibilhin ang 12 lead-in fighters, apat na combat utility helicopters (W-3A type ), tinatayang 11 attack helicopters na pawang mga bago habang ang 11 pa ay mga segunda mano, dalawa rito ay C130 Hercules turboprop carriers.
Inaasahan naman na ang unang ‘refurbished’ o segunda manong C130 plane ay darating sa Hunyo habang ang pangalawa ay bago matapos ang taon.
Samantala, sinabi ni Okol na bigo pa rin sa kasalukuyan na mahanap ang ‘wreckage ‘ ng Aeramacchi SF 260 trainer plane at ang dalawa nitong nawawalang piloto na bumagsak sa karagatan ng Lamonja Island sa pagitan ng Mariveles, Bataan at Cavite noong nakalipas na Mayo 18.
Nabatid na sinamahan na ng PAF lulan ng mga seacraft ng Philippine Navy ang ilang mga kamag-anak ng mga pilotong sina Major Neil Tumaneng at 1stLt. Michael Arugay sa karagatang pinagbagsakan ng aircraft.