94 Chinese vessels nasa Scarborough
MANILA, Philippines - Sa kabila ng fishing ban na ipinatutupad ng pamahalaan, tahasang nilabag ito ng China matapos na dumagsa ang halos 100 Chinese vessels na nakahimpil at illegal na nangingisda at naninira ng mga higanteng clams at corals sa pinag-aagawang Scarborough o Panatag Shoal.
Kinumpirma kahapon ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na base sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), nitong Mayo 22 ay umabot na sa 94 Chinese vessels (dalawang government ship, 16 fishing vessel at 76 utility boats) ang dumating sa Scarborough.
Sinabi ni Hernandez na noong Mayo 21 ng alas-7 ng gabi, namataan din ng PCG ang limang Chinese government vessels (CMS-71, CMS-84, FLEC-301, FLEC-303 at FLEC-310) at 16 Chinese fishing boats (10 ang nasa loob ng lagoon at anim ang nasa labas) na pumasok at ilegal na nangingisda sa Shoal. May 56 pang Chinese utility boats (27 ang nasa loob ng lagoon at 29 ang nasa labas) ang pumasok din sa Shoal.
Bunsod nito, hiniling ng Pilipinas sa China na agad na i-pull out ang kanilang Chinese vessels sa Bajo de Masinloc na nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas dahil sa ilegal na aktibidad sa nasabing shoal.
- Latest
- Trending