Manila, Philippines - Bumisita si Pangulong Benigno Aquino III sa Iglesia Ni Cristo (INC) Central Temple sa Quezon City kahapon ng umaga.
Wala sa opisyal na schedule ng Pangulong Aquino na ipinadala sa mga Malacañang reporters ang pagbisita sa INC Central.
Inamin naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na nakipagpulong nga ang Pangulong Aquino sa lider ng INC na si Ka Eduardo Manalo.
Nilinaw din ng Malacañang na matagal nang naka-schedule ang nasabing pulong ng Pangulo sa INC leader.
Ayon kay Lacierda, kabilang sa pinag-usapan ang mainit na isyu sa impeachment trial laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona. Ipinaliwanag umano ng Pangulo ang kanyang dahilan kung bakit suportado nito ang pagpapatalsik kay Corona sa puwesto.
Kinuwestiyon naman ni House Minority Leader Danilo Suarez ang pakikipagpulong ng Pangulong Aquino sa liderato ng maimpluwensyang religious group na INC na hindi umano maganda sa paningin ng ibang tao.
Sinabi naman ni prosecution spokesman Erin Tañada, posible umanong gamitin ni Corona ang pagharap sa impeachment hearing para sa biglaang pagbibitiw nito sa puwesto.
Sa panig naman ni Chief Justice Corona, sinabi nito na wala siyang nadaramang takot at pangamba sa pagsalang sa witness stand sa impeachment trial ngayong araw na ito.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay Corona matapos ang idinaos na misa sa Korte Suprema, sinabi nito na wala siyang “kakaba-kaba” na uupo sa pagdinig.
Samantala, sinabi naman ni defense spokesman Atty. Rico Quicho, handang-handa na ngayon ang Chief Justice para sagutin ang mga katanungan ng mga senador at prosekusyon.
Ayon pa kay Quicho, naniniwala ang Chief Justice na gagabayan siya ng Panginoon sa kanyang pagsalang sa witness stand.
Tiniyak naman ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na nakahanda ang Senado kahit pa abutin ng dalawang araw ang impeachment trial ngayon kung saan inaasahan ang pagharap ni impeached Chief Justice Renato Corona. (Dagdag ulat nina Gemma Garcia, Ludy Bermudo, Angie dela Cruz, Malou Escudero)