Mga pulitikong sigurista nagpapalit na ng partido

MANILA, Philippines - Dapat umanong kilala­ning mabuti ng publiko lalo na ng mga botante ang mga makasariling pulitiko na nais lamang makuha ang political interest sa panahong ito na maaga pa lamang ay ‘papalit-palit at palipat-lipat’ na ng partido, kaalyado at lugar kahit lu­malabas na nawawalan sila ng paninindigan sa sarili.

Ito ang dismayadong pahayag ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Justice and Peace (CBCP-NASSA) executive secretary Father Gariguez sa nagi­ging kultura ng mga pulitiko sa bansa.

“Nakakalungkot sa ating pulitika na wala naman talagang tindig o malilinaw na dinadala ang mga partido o kandidato kundi kanila lamang mga personal na interes,” ayon kay Gariguez, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nanawagan ang pari sa mga botante na kilala­ning mabuti ang kanilang iboboto hindi batay sa personalidad kundi sa kakayahan, moralidad, pagiging makatao at maka-Diyos ng mga ito.

Nauna rito, ilang pulitiko na ang ngayon pa lang ay lumilipat na nang kina­aanibang partido upang matiyak lamang ang pana­lo sa susunod na halalan, bagamat matagal pa ang 2013.

Show comments