MANILA, Philippines - Hinikayat ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang Kamara na aprubahan na rin ang panukalang P125 across the board wage increase sa pribadong sektor sa Metro Manila matapos na aprubahan ang P30 Cost of Living Allowance (COLA).
Ayon kay Rep. Mariano, dapat tapusin na ng Kongreso ang mga importanteng panukalang batas kabilang na ang House Bill 375 o P125 across-the-board wage increase bago magbakasyon sa Hunyo 7.
Magtutungo umano sila ngayong araw ng Lunes kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. upang igiit dito na agad talakayin sa plenaryo ang naturang panukala.
Noon pa umanong 12th Congress inihain ang panukala subalit hanggang ngayong 15th Kongreso na ay hindi pa rin ito naipapasa.
Kasama rin sa gagawing mass action ang mga magsasaka upang igiit naman ang pagpasa sa House Bill 374 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) para sa libreng land distribution.
Ang P125 wage hike bill at GARB ay ilan lamang sa mga panukalang inihain ng yumaong Anakpawis Rep. Crispin ‘Ka Bel’ Beltran subalit apat na taon matapos umano itong bawian ng buhay ay hindi pa rin naaaprubahan ng Kongreso ang naturang dalawang panukalang batas.
Kasama rin ng Anakpawis Partylist ang labor group Kilusang Mayo Uno, peasant organization Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at urban poor coalition Kalipunan ng Damayang Mahihirap.