MANILA, Philippines - Binatikos ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at gobyernong Aquino hinggil sa kawalan ng proseso, kawalan ng pagdinig at kawalan ng abiso na ibabalik ang minimum na pasahe sa jeep sa P8 mula sa P8.50.
Binigyang diin ni Piston national president George San Mateo na hindi tutol ang kanilang samahan sa naging pagbaba sa pasahe sa jeep dulot ng pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel, pero dapat anyang idinaan ito sa hearing para maisapubliko ng LTFRB kung ano ang ginamit na batayan para magkaroon ng fare rollback.
Hinala ni San Mateo na isang uri lamang umano ng papogi ng pamahalaan ang fare rollback dahil sa nalalapit na ang pasukan ng mga mag-aaral.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni LTFRB Chairman Jaime Jacob na may kasunduan kamakailan ang transport group at ang ahensiya na kapag lumaro sa average na P45 kada litro ng diesel ay ibabalik sa P8 ang pasahe sa jeep. Diesel ang gamit na krudo ng mga jeep.