MANILA, Philippines - Higit dalawang linggo bago ang pasukan, nasa kasagsagan ngayon ng pagsasanay ang Department of Education (DepEd) para sa mga trainors na magtuturo sa mga guro sa nilalaman ng K+12 curriculum sa Grade 1 at Grade 7 (first year high school) na uumpisahan nang ipatupad ngayong school year 2012-13.
Aabot sa 1,545 Grade 7 trainers at 1,478 elementary trainers ang isinasailalim sa pagsasanay ng DepEd sa bagong mga nilalaman ng aralin sa Filipino, English, Mathematics, Science, Health, Music, Arts and Physical Education at Araling Panlipunan.
Kasabay nito, inihahanda na rin ng DepEd ang nasa 73,655 Grade 1 teachers at 70,227 Grade 7 teachers sa mga pampublikong paaralan na inisyal na magtuturo ng K to 12 curriculum.
Inumpisahan ang pagsasanay nitong Mayo 7 hanggang Hunyo 1.
Inatasan naman ng DepEd Central Office ang kanilang mga regional directors na tanggapin ang mga guro buhat sa mga pribadong paaralan na nagpahayag ng intensyon na magpartisipa sa pagsasanay sa naturang programa.