CJ Corona hindi magbibitiw

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona na hindi siya magbibitiw sa puwesto at sa halip ay tuloy ang laban makaraang mapuntirya sa impeachment trial noong Lunes ang kanya umanong mga dollar account.

Ayon kay Corona, haharapin niya ang kaso at wala umano siyang tatakbuhan dahil maging siya ay nais na ilantad ang katotohanan.

Samantala, nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na ipa-subpoena ng Senate Impeachment Court ang managers ng siyam na bangko na sinasabing may dollar accounts si Corona.

Nais ni Santiago na malaman kung bakit nagkaroon ng maraming accounts si Corona na sinasabing umabot umano sa 82.

Ang mga managers mismo ng bangko ang makakasagot ng mga katanungan tungkol sa sinasabing dollars account ng chief justice.

Tatalakayin ng mga senador sa caucus nila sa Lunes kung pagbibigyan ang mosyon ni Santiago na ipa-subpoena ang mga managers.

Ang mga dollar accounts umano ni Corona ay nakakalat sa Bank of the Philippine Islands (BPI) Acropolis; BPI Tandang Sora; BPI San Francisco del Monte; BPI Management Investment Corporation; Philippine Savings Bank (PSB) Cainta; PSB Katipunan; Allied Banking Corporation (ABC) Kamias; Deutsche Bank, at Citibank. (Doris Borja/Malou Escudero)

Show comments