MANILA, Philippines - Isinulong ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang “Operation Alis Kuto” na layuning mapuksa ang pagkalat ng kuto sa mga kabataang babae na posibleng maging dahilan din ng pagkakaroon ng inpeksiyon sa anit ng mga ito.
Ayon kay Echiverri, bawat isang health centers ay binigyan ng city health department ng 50 Synthetic Pyrethrin shampoo na gagamitin ng mga city health workers sa pag-alis ng kuto ng mga kabataang babae na magtutungo sa kanilang tanggapan.
Sa pamamagitan ng shampoo na ito ay mapipigilan ang pagdami ng kuto sa ulo ng mga kabataang babae na siyang madalas na kinakapitan ng nasabing makakating uri ng insekto na tinagurian ding Pediculosis Capitis.
Lumabas pa sa pag-aaral na karamihan sa mga kinakapitan ng kuto ay ang mga batang babae na may edad na tatlo hanggang labing-isang taong gulang partikular na ang mga kabataang mahihilig magbilad sa sikat ng araw.
Nakukuha rin ang kuto sa pamamagitan ng paghiram ng suklay, headband, sombrero at ang paggamit sa unan na hinigaan ng taong nagtataglay ng naturang insekto kaya’t ipinayo ni Echiverri na iwasan manghiram ng gamit sa mga kakilala.
Napag-alaman pa na madaling dumarami ang kuto sa ulo ng mga kinakapitan nito dahil tatlo hanggang anim na itlog ang kayang iluwa ng bawat isa sa mga ito kada araw at aabot lamang ng pito hanggang 10 araw bago ito mapisa hanggang sa ito ay maging lisa.