MANILA, Philippines - Nagalit ang mga mambabatas mula sa Northern Luzon dahil sa umano’y minadaling pag-apruba ng panukalang “sin tax” sa Kongreso.
Tinawag nina Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla at Zambales Rep. Mitos Magsaysay na “Luisita express” ang sinasabing pag-amyenda dahil hindi pa sila nabibigyan ng pagkakataon upang pag-aralan ito.
Nagbabala naman si Asst. Majority leader Magi Gunigundo na tiyak na maaapektuhan ang mga lokal na alak at industriya ng tabako dahil sa mataas na buwis habang ang mga imported na competitors ay magbabayad lamang ng maliit sa sandaling tuluyang maipasa ang panukalang batas.
Nabigo ang “solid north” na binubuo ng mga mambabatas mula sa Northern Luzon, na pigilan ang umano’y minadaling pag-apruba ng House Bill 5727 na inihain ni Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya matapos umano itong suportahan ng Nationalist Peoples Coalition.
Inamin din ni Isabela Rep. Giorgidi Aggabao, vice-chairman ng komite na siya at ang iba pang NPC solons ay walang ibang pagpipilian kundi suportahan ang nais ng partido dahil ang pag-amyenda na isinusulong ng administrasyong Aquino ay katanggap-tanggap.