Mangingisdang Pinoy itinataboy ng Chinese vessel sa Scarborough
MANILA, Philippines - Mistulang mga yagit na binubugaw o itinataboy ang mga mangingisdang Pinoy ng mga barko ng China habang guwardiyado na rin ang lagoon ng Scarborough Shoal (Panatag Shoal) upang hindi ang mga ito makapangisda sa lugar na nasasaklaw ng 200 nautical mile ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Sa ulat ng AFP-Northern Luzon Command, nasa 23 Chinese utility boats at pitong bangka ang namonitor sa loob ng lagoon ng Scarborough Shoal bukod pa sa tatlo nitong maritime ships na kinabibilangan ng surveillance ship 75, CMS 81 at Fishery Law Enforcement Command (FLEC -310).
Samantala sa Pilipinas ay dalawang barko lamang, ang BRP EDSA ng Philippine Coast Guard at isang rescue vessel ang nagbabantay sa lugar.
Ayon kay Mr. RJ Bautista, kalihim ni Masinloc Mayor Desiree Edora, nagreklamo ang 200 mangingisdang Pinoy na pinagbabawalan umano ng mga Chinese vessels na makapasok sa lagoon ng Scarborough Shoal at tanging ang mga mangi ngisda lamang nito ang pinahihintulutan.
Pinagsabihan rin umano ang mga ito na iwasan na ang mangisda sa lugar upang hindi na tumindi pa ang tensyon kaugnay ng standoff sa pagitan ng China at Pilipinas.
- Latest
- Trending