MANILA, Philippines - Nagsampa ng kasong panggagahasa sa Department Of Justice (DOJ) sina Gabriela party list Rep. Luz Ilagan at Emmi de Jesus laban kay Pantabangan, Nueva Ecija Vice-Mayor Romeo Borja Jr. matapos umanong pagsamantalahan ang dalawang menor-de-edad.
Personal na sinamahan nina Ilagan at De Jesus na magsampa ng kasong qualified seduction sa DOJ ang biktimang si Jasmin laban kay Borja .
Base sa reklamo ng biktima, sinimulan umano siyang pagsamantalahan ng biktima noong Hunyo hanggang Setyembre 2011 noong 17 anyos lamang siya.
Una umanong nakilala ng biktima si Borja noong Abril 2010 sa isang beauty pageant sa Pantabangan kung saan siya nanalo at ang Vice-Mayor ang siyang nag-abot dito ng trophy.
Matapos nito ay nagsimula na umanong mag- text sa biktima si Borja hanggang noong Hulyo 2011 ay nagtungo si Jasmin sa bahay ng kanyang kaibigan kung saan nagkaroon sila ng inuman at nang malasing umano ay nakatulog siya at nang magising ay nasa kwarto na siya ni Borja.
Binantaan pa umano ito ni Borja na ilalagay sa facebook ang kanilang litrato kapag hindi sinunod ng biktima ang kanyang mga gusto.
Dahil umano sa panggagahasa kaya’t nabuntis ang biktima na ngayon ay walong buwang buntis na.
Bukod kay Jasmin sinamahan din nina Ilagan at De Jesus ang dating kasambahay ni Borja na nauna na ring nagsampa ng kasong qualified seduction sa Cabanatuan City.