MANILA, Philippines - Napaslang ang 34-anyos na obrero matapos bagsakan ng kalan sa ulo ng kanyang bisor sa loob ng barracks sa Heroes Ville AFP sa Sitio Paenaan, Bgy. Pinugay sa bayan ng Baras, Rizal, kamakalawa ng umaga.
Basag ang bungo ng biktimang si Antonio Torres, 34, ng Lot 21 Block 15, Sitio Paenaan nasabing barangay. Samantala, nasakote naman ang suspek na si Solomon Santiago, 38, foreman, ng #105 Sitio Sanakay, Bgy. dela Paz, Antipolo City.
Sinasabing napahiya ang suspek sa kanyang mga tauhan matapos kantiyawan ng biktima dahil sa mababang score sa videoke.
Ilang minuto ang lumipas ay nagpaalam na ang biktimang lango na sa alak para matulog at nang nakahiga na ito ay pinasok ng suspek sa kanyang barracks saka binagsakan ng kalang bato sa ulo.
Tinangkang tumakas ng suspek subalit hinarang ito ng ilang security guard at agad na itinawag sa himpilan ng pulisya.