MANILA, Philippines - Personal na desisyon umano ni Sen. Koko Pimentel III kung sakaling umalis ito ng United Nationalist Alliance (UNA) at lumipat sa Liberal Party (LP) upang doon sumama sa senatorial slate nito para sa 2013.
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, walang magiging pagbabago sa plano ng UNA at itutuloy ang line-up nito kahit ‘sinusungkit’ ng LP ang kanilang mga miyembro para gawing senatorial candidate nila sa 2013.
“Na kay Koko yan, personal na decision niya yan. Siya ang presidente ng PDP-Laban, hindi ako pwedeng magpasiya ‘dun,” wika pa ni Enrile.
Ipinahiwatig ng LP spokesman na si Quezon Rep. Lorenzo Tanada III na posibleng makuha nila si Sen. Pimentel upang makasama sa kanilang senatorial line-up sa 2013.
Magugunita na inihayag ni Pimentel na hindi siya masaya na makasama si dating Sen. Miguel Zubiri sa senatorial line-up ng UNA.
Winika pa ni Enrile, magpapatuloy ang koalisyon ng UNA sa pagsasama ng partido ni dating Pangulong Erap Estrada na Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) at PDP-Laban ni Vice-President Jejomar Binay.