MANILA, Philippines – Muling maglulunsad ng Tindahan ni Aling Puring Convention, ang nangungunang supermarket chain na Puregold Price Club Inc. bilang suporta sa pagpapalakas ng sari-sari store sector sa bansa.
Sa unang pagkakataon, magkasabay na idaraos ang Tindahan ni Aling Puring Convention sa dalawang lugar upang mas maraming sari-sari store owners ang makinabang sa mga benepisyo nito.
Sa ganitong paraan, maraming Pinoy ang magkakaroon ng oportunidad na magkaroon ng matatag at disenteng pagkakakitaan para makaahon sa hirap ng buhay.
Sa Ika-16 hanggang ika-19 ng Mayo, gagawin ang ika-7 Tindahan ni Aling Puring Convention sa World Trade Center sa Pasay City at ika-16 hanggang ika-17 ng Mayo sa Camp John Hay sa lungsod ng Baguio.
Sa taon-taong pagdaraos ng Puregold ng convention mula 2006, napatunayan na ang determinasyon at track record nito sa pagtulong sa mga miyembro ng Tindahan ni Aling Puring, lalo na sa pagpapaangat ng kanilang kakayahan sa pagnenegosyo.
Naniniwala ang Puregold na kahit sino mang masipag na Pinoy ay maaaring maging si Aling Puring na may-ari ng sari-sari store o negosyanteng may lakas ng loob, agresibo, may tiwala sa sarili at may diskarte sa buhay. Sa kasalukuyan, ang malaking bahagi ng retail market sa bansa ay kontrolado ng 800,000 na sari-sari stores. Sa bilang na ito, 180,000 ang miyembro na ng Aling Puring program ng Puregold.
Inilunsad ng Puregold ang programang ito noong 2002 para makatulong sa mga customers nito na nagnanais magnegosyo.