MANILA, Philippines – Sinasabotahe umano ng mga mangingisdang Tsino ang mga coral reefs, nilalason ang mga isda at iba pang yamang dagat sa Scarborough Shoal.
Ito ang ibinulgar ni dating Defense Secretary at ngayo’y Zambales Gov. Hermogenes Ebdane sa pakikipag-ugnayan nito sa Defense Press Corps.
Ayon kay Ebdane, gumagamit umano ng sodium cyanide sa kanilang illegal na pangingisda ang mga Tsino na nagsasagawa ng intrusyon sa Scarborough Shoal na tinagurian ng mga Zambaleno na ‘Bajo de Masinloc”.
Iginiit nito na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc simula pa noong panahon ng Kastila at nasa lumang mapa ito ng bansa na dapat ilabas at patunayan ng National Historical Institute.
Sinabi ng opisyal na ang mga mangingisdang Pinoy ay mga lambat lamang ang gamit sa pangingisda, iginagalang ang likas na yamang dagat pero ang mga Chinese ay walang pakundangan itong nilalapastangan.
Ang Scarborough Shoal ayon sa opisyal ay mayaman sa high class na mga isda tulad ng lapu-lapu, talakitok, bukod pa sa mga taklobo, corals, sharksfin, shells at iba pa.
Maging mga endangered species na ipinagbabawal hulihin ay kinukuha rin ng mga Intsik.
Sa kabila nito, wala naman plano ang Pilipinas na itaboy o hulihin ang mga Chinese vessels.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hayaan lang muna ang mga nasabing Chinese vessels na mangisda sa ating karagatan.
Iniiwasan kasi nilang lumala ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ido-dokumentaryo na lang daw ng mga awtoridad ang ginagawa ng mga Chinese vessels para magamit na ebidensya kapag nagkaroon ng pagdinig sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS).