MANILA, Philippines - Mistulang pumapabor sa mga sangkot sa kaso ng iligal na droga ang bagong panuntunan na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ) na nagpapahintulot na maari nang agad na makalaya ang isang suspect na inirekomendang maibasura ng government prosecutors.
Taliwas ito sa dating ipinatutupad na proseso, kung saan ang isang naaresto na isinailalim sa inquest proceedings o suspect na sumailalim sa preliminary investigation kaugnay sa paglabag sa Republic Act 9165 ay hindi muna maaring palayain habang nakabinbin pa ang automatic review o pagrepaso ng DOJ, kahit pa may dismissal order ang prosecutors.
Sa Department Circular no. 12, na pirmado ni Justice Sec. Leila de Lima, nakasaad na ang lahat ng mga kaso na may kaugnayan sa iligal na droga sumailalim man o hindi sa inquest, preliminary investigation, reinvestigation, o appeal ay kailangang isalang sa automatic review.
Ani de Lima, ang pagbabago ng pamantayan sa mga kaso ng iligal na droga ay upang masolusyunan ang mga nabibinbing pagpapalabas ng desisyon at mahabang pagkadetine ng mga suspects, sa layuning hindi naman nakokompromiso ang karapatang pantao
Noong nakalipas na taon nang maiatang sa DOJ ang full authority sa disposition ng drug-related cases alinsunod sa kautusan ng Office of the President.