MANILA, Philippines - Nagparamdam na rin maging ang bansang Taiwan ng kanilang interes sa pinag-aagawang Scarborough Shoal at iba pang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa gitna ng standoff sa pagitan ng Pilipinas at China, inihayag ng Taiwanese Ministry of Foreign Affairs na iligal umano ang ginagawang pag-angkin ng Pilipinas sa nasabing mga areas.
Binalewala naman ng Malacañang ang pakikisawsaw na rin ng Taiwan sa pag-angkin sa Scarborough Shoal.
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Ricky Carandang, naninindigan silang Pilipinas ang may-ari ng nasabing tipak ng bato.
Ayon kay Carandang, handa ang Pilipinas na ipagtanggol ang soberenya nito laban sa mga umaangking bansa.
Una nang sinabi rin ni Taiwan Foreign Minister Timothy Yang, nakahanda umano silang gumawa ng mga “measures” para maprotektahan ang kanilang soberenya sa rehiyon.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang kanilang representative office sa Manila para sa pagbuo ng isang “task force” na magmomonitor sa namamagitang standoff ng mainland China at Pilipinas.