MANILA, Philippines - Posibleng harangin ng Kamara ang anumang ipapataw na pagtaas sa singil sa matrikula sa mga eskuwelahan sa darating na pasukan.
Ito ay sa sandaling mapatunayan sa isasagawang imbestigasyon ng House of Representatives committee on higher education na may ilang kolehiyo at unibersidad ang lumabag at umabuso sa pagpapatupad ng dagdag na matrikula.
Ayon kay Aurora Rep. Sonny Angara, tagapangulo ng komite, inimbitahan na nila ang mga opisyal ng mga eskuwelahan, Parent Teachers Association at pamunuan ng Commission on Higher Education para pagpaliwanagin tungkol dito.
Kasama din umano sa kanilang aalamin kung nasunod ba ang mga 15-days notice at mga itinatakdang proseso sa pagtataas ng matrikula tulad ng limitasyon kung magkano ang dapat na itaas.
Iginiit pa ng mambabatas na mahigpit din umanong ipinagbabawal ang paglampas sa 15 porsiyentong pagtataas ng tuition fee ang bawat eskuwelahan at unibersidad.
Sinabi ni Angara na maaaring i-freeze ng Kamara ang anumang hakbang ng mga kolehiyo at unibersidad dahil ang kongreso ay may oversight function kung mapapatunayang nagkaroon ng pag-abuso.