20,000 obrero magsasanib ngayong Araw ng Paggawa
MANILA, Philippines - Magsasagawa ng isang malaking kilos protesta ang mga manggagawa mula sa rural at urban poor sector kasabay ng selebrasyon ng Labor Day ngayong araw (Mayo 1).
Sinabi ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na ang protesta na tinawag nilang “Araw ng Paniningil at Paglaban,” ay sasalihan ng mga libong manggagawa, magsasaka at mahihirap mula sa mga rural at urban areas.
Ayon sa mambabatas, sa nakalipas na 23 buwan nang panunungkulan ni Aquino ay dumanas ang mga mahihirap ng pagdurusa sa anti-people policies ng Pangulo at maniningil sila simula ngayon.
Sinabi ni Mariano na nais ng mga manggagawa na panagutin si Aquino dahil sa kapabayaan nito sa kahilingan at pangangailangan ng sambayanang Pilipino tulad ng dagdag sahod, reporma sa lupa, trabaho at hustisya.
Tinatayang 20,000 obrero ang magsasanib sa Labor rally ng malaking alyansa ng mga manggagawa.
Ang 40 labor groups na nasa ilalim ng Nagkaisa Labor Coalition ay magtitipon sa Welcome Rotonda bago dumiretso sa Don Chino Roces bridge.
Ayon kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng grupo, ang mga lider ng Nagkaisa Labor Coalition ay nakatakda namang makipag-almusal kay Pangulong Noynoy Aquino at doon hihintayin kung may maganda itong anunsiyo para sa mga manggagawa.
Inaasahan nilang may magandang balita ang Pangulo na umento para sa mga manggagawa at pagkalooban ang mga obrero ng non-wage benefits gaya ng bigas at basic food subsidies na babalikatin ng gobyerno.
- Latest
- Trending